|
Pampaaralang Pamamahayag Gigising sa Pambansang Kamalayan
Ang pagiging malaya ay nakaukit na sa puso ng mga Filipino. Wala ng mga salitang higit na makapaglalarawan sa kanyang lahi hundi ang masidhing pagnanasang maging malaya, maging ito'y pansarili, pangkapwa o pang buong bansa. Ito ang kasaysayan ng mga Filipino at ng kanyang Inang Bayan, ang tagumpay sa pagkakaroon ng kalayaan, ang naglahong kalayaan at ang muling pagkakamit nito.
Hindi maitatago ang mahalagang bahaging ginampanan ng mga pahayagang nagmula sa mga isip at kamay ng mga ilang natatanging Filipino. Ang kapangyarihan ng pluma at ng gma damdaming sumisigaw ng mithing magkaroon ng kalayaan, mga pahayagang naging daan upang matamasa ng mga Filipino ang kasarinlan.
Pagkaraan ng isang daang taon, mula sa kanilang pagkakahimlay, muling tinatawagang pansin ang media lalo na ang pahayagang pampaaralan na maging kasangkapan tayo sa pagbabago at pagbibigay kasiguraduhan na mananatiling tinatamasa ang kalayaan sa susunod na isang daang taon.
|
|
|
Hunyo 12, 1898 - unang iwinagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ang bandila ng Pilipinas sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Cavite. Halos lahat ng Pilipino ay nagdiwang at naging saksi sa malaking kaganapang iyon.
Ngayon, taong 1998 - kinikilala ito bilang Sentenaryo ng Kalayaan ng ating bansa. Bunga ng pagdiriwang na ito, katakut-takot na salapi ang nalustay mula sa kaban ng bayan. Milyon-milyon ang nagastos para lamang mairaos ang malaking selebrasyong naganap noong Hunyo 12 taong kasalukuyan. Sulit naman kaya? Hindi ba't parang nakahihinayang? Lalo na kung hindi pa naman tayo isandaang taong malaya?
Kasaysayan na rin ang nagsasabi na pagkatapos ng matagal na pananakop ng mga Kastila ay agad itong nasundan ng mga Amerikano. Ngunit hindi pa rin nagtapos ang paghihirap ng mga Pilipino. Lalo pa itong naragdagan noong sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan napakaraming buhay ang nalagas. Sinabayan pa ng pagdating ng mga Hapon na yumurak sa dangal ng maraming Pilipino.
Natapos lamang ang pang-aapi ng mga Hapon nang tayo'y tinulungan ng mga Amerikano. Hulyo 4, 1946 - ganap na ipinagkaloob ng mga Amerikano ang kalayaan sa ating bansa. Ngunit nagkaroon ng alitan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Nagsimula ito noong hindi naibigay sa ating ng mga Amerikano ang tulong pinansyal para sa pagpapagawa ng mga nasirang gusali noong Ikalawang Digmaaang Pandaigdig. Kaya sa sama ng loob ay pinalitan ni Pangulong Diosdado Macapagal ang araw ng kalayaan mula sa Hulyo 4, 1946 ay ibinalik ito sa Hunyo 12, 1898.
Samakatuwid ay nasa ika-52 taon pa lamang ang ating bansa mula ng ito'y lumaya.
Hindi ba't hilaw pa nga ang sentenaryo?
|
FEATURE ARTICLE: Si Pedro at ang Sentenaryo
Matagal na inasam ni Pedro ang pagdating ng ika-12 ng Hunyo. Sa eskwelahan kasi ay puro tungkol sa Sentenaryo ang tinatalakay at pinaghahandaan. Tiyak na masay ang araw na ito dahil isang taong pinaghandaan saan mang dako.
Ang tatay ni Pedro ay nagsabit ng bandila sa kanilang durungawan na buong pagmamalaking tinitingnan ni Pedro at kung walang tumitingin ay hinahaplos dahilan sa ngayon lang sila naglagay ng ganito - mas malaki kaysa sa nakasabit sa kanilang kapitbahay.
Sa paaralan, tiyak na may pagdiriwang. Naghanda na siya ng sinaunang tula, sapagkat siya ay tutula sa klase. Nakahanda na ring ang kanyang isusuot na camisa de chino at pulang padyama. Nakagawa na rin siya ng bandilang papel na gagamitin sa parada.
Subalit noong taong iyon, si Pedro ay napatigil sa pag-aaral. Nagsara ang pabrikang pinapasukan ng kanyang tatay. Wala naman itong mapasukang ibang trabaho dahil walang tumatanggap ng bagong trabahador, bagkus ay nagtatanggal pa nga ng mga manggagawa.
Heto nga't may sakit pang dengue ang kanyang panganay na kapatid. Nasa pasilyo ng ospital at di malaman kung gagaling spapagkat walang maibili ng gamot.
Habang dumaraan ang parada sa tapat ng bahay nina Pedro, may tumutulong luha sa kanyang pisngi. Dapat ay kasama siya sa masasayang batang nagwawagayway ng bandila.
Lubhang makulay ang mga bandilang nakapalamuti sa mga karosa. Masaya ang lahat maliban kay Pedro na buhat ang bunsong kapatid na nakatulog na sa gutom. Ilang araw nang hindi umuuwi ang mga magulang dahilan sa pagbabantay s akanyang kapatid na nasa ospital.
Ito ang Sentenaryo ni Pedro … pagdiriwang na nawalan ng kabuluhan dahilan sa kahirapan ng buhay. Ilang batang tulad niya ang di nagawang pasayahin ng magarbong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
|