MSCNet | San Pablo City | Barangay Officials | History Index | Credits

IMOK (San Mateo)

Ito ay nangyari noong ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila. Sa duluhan ng sitio sa dampa ni Mang Juan ay maraming tao. Dating at dating pa ng mga tao karamihan ay mga kabinataan at kadalagahan. Ang dahilan, ay ang paggawa ng kakaning ang tawag ay minokmok.

Abala ang mga kabinataan at kadalagahan sa pagbabayo ng malagkit na panglahok sa mais. Samantalang ang mga bata naman ay walang humpay sa pagiingay at paghahabulan. Masaya at maingay ang lahat.

Nasa ganoon silang kalagayan ay biglang may sumulpot na tatlong tao, sakay sa kabayo at may pambihirang kasuotan. Sila ay mga sundalong Kastila. Takot na takot ang mga dinatnan.

Bumaba sa kanilang sasakyang kabayo ang tatlo at lumapit sa mga tao. Ang isa sa sundalo ay nagtanong sa wikang kastila kung ano ang pangalan ng pook na iyon. Sa takot at pagkabigla ng mga nagbabayo ay tinuturo ang lusong sa mga sundalo at sinabing "minokmok." Palibhasa'y mahirap bigkasin, muling inusal ng kastila ang salitang "imok." Nagtanguan ang mga kastila. Buhat noon ay nanatiling "imok" ang ipinangalan sa sitio ng San Mateo

Copyright © 1997 - 1998, All Rights Reserved. MSC Communications Technologies, Inc.