The Online Publication of the Herald Group of Publications   Ipagdiwang natin ang Kalayaan   May 28 is Flag Day!   
Issue No. 20 May 13 -19, 1998
Previous Issue

News    Editorial    Opinion    Entertainment    Staff
Laguna | Quezon | Cavite

HOPEWELL tinuligsa ng Save Mt. Banahaw
(JETH CLAVERIA)

Lucena City-Matagumpay na tinuligsa ni G. Hobart Dator, pangulo ng Save Mount Banahaw Movement at kandidato sa pagka-Vice-Governor sa lalawigan ng Quezon, ang plano ng Hopewell Holdings Limited na magkaroon ng six lane South Superhighway Extension Tollway na sinasabing dadaan sa paanan ng makasaysayang Bundok Banahaw.
Matatandaang kinalaban ni Dator ang “pamprobinsyang personalidad” na umayon sa planong ito ng Hopewell Holding Limited. Subalit nabigo ang mga ito ng makiisa ang mga sibikong organisasyon, municipal government ng Sariaya,Quezon at iba pang tumututol sa nasabing pagpapadaan sa paanan ng bundok.
Ayon kay Dator, huli man daw ay nagpasya pa rin syang pumalaot sa pulitika kahit s’ya ay independent. Plano ni Dator na gawing Baguio of the South ang Quezon sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga touristspot na kulang sa prayoridad ng lokal na pamahalaan katulad ng Lucban, Mt. Banahaw at naggagandahang dalampasigan o mga white beaches.
Gayunman, matibay ang paninidigan nito na kalabanin ang mga tao na nais gawing energy basket ang ilang mga bayan sa Quezon. Ito ay dahil magdudulot lamang ng pinsala ang mga ito sa kapaligiran at kalusugan ng mga mamamayan. Bagamat totoong malaking income ang papasok sa kabang bayan, malalagay naman umano sa panganib ang kanyang mga kababayan.
Samantala, matigas pa rin ang paninidigan ni Dator na ang lalawigan ng Quezon ay nangangailangan ng bagong pulitiko na uukit ng makabagong batas na naaangkop sa kanyang mga kalalawigan, maging sa pamahalaang panglalawigan at panlokal.
BACK TO TOP


DAR Quezon I People's Theater, nagwagi!

DAP TAGAYTAY CITY- Muling nagwagi ang DAR Quezon I Agrarian Reform People’s Theater Group na siyang kumakatawan sa ginanap na Luzon Island Competition ng Agrarian Reform People’s Theater Festival. Ang paligsahan ay ginanap noong Abril 25, 1998 sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City. Pumangalawa ang Region III na nagmula sa Nueva Ecija at pumangatlo ang Cordillera Administrative Region na ni-repersent ng Mountain Province.
Matatandaang ang Agrarian Reform People’s Theater Festival (ARPTF) ay isa sa kontribusyon ng Department of Agrarian Reform(DAR) sa Centennial Celaebration. Pangunahing layunin nito na makapagbahagi sa publiko ng mga makabuluhang impormasyon tungkol sa Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP at muling buhayin ang kabayanihan ng ating mga ninunong nagbuwis ng kanilang buahy alang-alang sa pangarap ng kalayaan, at magkaroon ng sariling lupa sa sariling bayan.
Bukod dito, layunin din nito na makabahagi ng kagawaran ang mga magsasakang benepisyaryo ng CARP sa pagdaraos ng “SANDAANG TAONG KALAYAAN ng BANSANG PILIPINAS”.
Kaugnay sa pagkapanalo ng QUEZON I- Region IV, sila ang kakatawan sa Island Luzon sa National Competition, kung saan ang mga maglalaban-laban ay kinatawan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ang paligsahan ay gaganapin sa Cultural Center of the Philippines(CCP) Main Theater sa June 3, 1998. Ang mananalo sa paligsahan ay ipapalabas sa Pambansang Pagdiriwang ng Sandaang Taong Kasarinlan ng ating bansa sa darating na June 12, 1998 sa EXPO Filipino Centennial Park sa Clark Air Base, Angeles City. (PIA- Quezon)
BACK TO TOP


Quezon power project, binisita ni Pangulong Ramos

MAUBAN,QUEZON- Binisita dito ni Pangulong Fidel V. Ramos ang ginagawang Quezon Power Project (QPP) na matatagpuan sa Brgy. Cagsiay-I sa bayang ito.
Ayon sa Pangulo, ang nasabing planta ng kuryente ang siyang magpapalakas ng elektrisidad kapag ito’y natapos sa taong 2000. Nakasama ng pangulo sa ginawang reception party sina Quezon Gov. Racelis, Mayor Ferdinand Llamas ng Mauban, QPP General Manager Gregory Daul, QPP Construction Manager Richard Collins, SOLCOM Commdr. General Samuel Dunque, PNP Regional Director Victor Tiangco at Brgy. Chairman Oscar Jugueta ng Cagsiay-I.
Pagkatapos ng ginawang pagbisita sa Mauban, ang Pangulong Ramos ay nagtungo naman sa bayan ng Tayabas at dito’y pinangunahan niya ang pagpapasinaya ng apat pang proyekto ng National Power Corporation (NPC) na magdudulot ng karagdagang koryente hindi lamang sa bayan ng Mauban kundi sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng Luzon. (RMO/PIA-Quezon)
BACK TO TOP



Kawalan ng tubig sa Tayabas, pinagtatalunan pa rin

Tayabas, Quezon – Lumulutang ngayon na ang nangyayaring sisihan sa kung sino ang may kasalanan sa hindi magandang serbisyo ng tubig sa Tayabas ay isang pamumulitika lamang.
Ayon kay dating Tayabas Mayor Dondi Silang, walang dapat sisihin sa hindi magandang serbisyo o kawalang tubig sa nasabing bayan, kundi si dating Governor Eddie Rodriguez. Ito ay dahil sa pahintulot niyang gumana ang Hopewell.
Sinagot naman ni resigned Gov. Rodriguez ang akusasyon ni Silang sa pagsasabing, kung talagang ayaw ni Silang na magbigay ng source ng tubig sa Pagbilao, ay bakit mayroon itong pinirmahang dokumento na nagbibigay pahintulot sa pagbibigay ng tubig sa bayan ng Pagbilao.
Idinagdag pa niya na ang katotohanan ay ayaw mismo ng mga ilang nanunungkulan sa pamahalaan sa nasabing bayan, ganon din ng ilang mga mamamayan, ang pagtaas ng rate ng tubig.
Sinabi pa ni Rodriguez, na nagtataka siya kung bakit siya ang binubuntunan ng sisi sa hindi pagkakaroon ng tubig sa Tayabas gayong sila mismo ang ayaw ma-improve ang kanilang sistema ng patubig.
Ayon na rin sa mga ulat, noong panahon na naghuhukay ang mga tauhan ng Quezon Metropolitan Water District para pagtamnan ng mga tubo ay sinalungat ito ng ibang mga mamamayan doon at iba’y nanghbol pa ng taga.
BACK TO TOP



Kaisahan ng Iglesia ni Cristo, hinangaan ng mga bumabatikos dito

Lucena City. Sari-saring reaksyon at pahayag ang maririnig sa mga mamayan hingil sa ginawa ng relihiyong Iglesia ni Cristo, partikular na sa mga kandidatong sinuportahan ng mga ito sa mga nakalipas na eleksyon.
Ang iba ay pumupuri sa ipinakitang solidong kaisahan ng mga ito. Ngunit mayroon din namang mga bumabatikos.
Ayon naman sa mga INC, hindi na lingid sa kanilang kaalaman ang usigin o kwestiyunin ng sanlibutanan ang kanilang kaisahan dahilan sa alam nilang magaganap iyon, subalit ipinagkikibit balikat lamang nila ito dahil hindi naman sila namumulitika kundi sinusunod lamang nila ang kanilang doktrina hingil sa kaisahan.
Ayon pa sa kanila, hindi man nila gusto o gusto ang kanilang ibobotong kandidato ay bukal sa puso nila itong isinulat sa balota dahilan sa alam nilang ito’y kabanalan para sa kanilang pananampalataya.
Gayunman, kahit binabatikos ng ilan ang nasabing kaisahan ng mga INC ay lihim pa rin namang humahanga ang mga ito dahilan sa nagagawa ng mga miyembro ng INC na makipagkaisa ng walang tanong-tanong dahilan sa alam nilang ito’y isa sa mga doktrina sa kanila bago pa man sila pumasok sa nasabing relihiyon.
Matatandaang napaulat na parang labanan ng mg relihiyon sa bansa ang ginagawang pagiindorso ng mga leader ng simbahan. Binatikos din ang mga ito dahilan sa pamumulitika.
Naglabasan din ang iba’t-ibang leader ng pangkatin ng pananampalataya ng nagsipagindorso ng kanilang susuportahang kandidato. Suablit hindi naging matagumpay ang ginawa ng mga itong kaisahan hindi tulad ng ginawa ng INC.
BACK TO TOP


Illegal logging, laganap pa rin sa Atimonan

Atimonan, Quezon.- Patuloy pa rin ang nagaganap na pamumutol ng mga punong kahoy sa bayan ng Atimonan, Quezon. Dito ay makikita pa rin ang mga nakatumbang puno na hindi pa halos nahahati matapos nitong bumagsak mula sa pagkakaputol dito.
Matatandaan na palaging ipinahahayag ng dating Atimonan Mayor Remedios Diestro na walang nagaganap na pamumutol ng puno sa kanilang bayan dahil sa namomonitor ng mga kinauukulan ang operasyon ng mga illegal loggers.
Ngunit kung ikaw ay magtutungo sa may bahagi ng Pinagbanderahan Park, doon ay makikita ang mga putol na puno na maaaring maging sanhi ng panganib para sa mga taga lalawigan ng Quezon.
Kung hindi ito masasawata, pinangangambahan na baka bahain ang lalawigan ng Quezon kung patuloy na kakalbuhin ang mga kabundukan lalo na pagdating ng tag-ulan.
Tinatawagan din ang mga kinauukulan upang habang maaga pa ay masawata ang nasabing iligal na pamumutol ng puno upang sa ganon ay mailigtas sa tiyak na kapahamakan ang lalawigan sa mga magaganap na pagbaha.
Dapat din anyang palaging nagmomonitor ang DENR maging ang CENRO upang patuloy na mapangalagaan ang mga puno sa kabundukan at maipriserba ang mga ito pagdating ng tag-ulan.
BACK TO TOP

The Wednesday Herald Online is the official website of the Herald Group of Publications. Published weekly and sponsored by the MSC Computer Training Center and MSC Communications Technologies, Inc., it covers the Southern Tagalog Area particularly the provinces of Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon (CALABARZON), and Metro Manila, PHILIPPINES.

For more information regarding this site, you may contact us through our E-mail (heraldgrp@msc.net.ph).