|
|
Pangalagaan ang Kalikasan Pagandahin ang Kinabukasan
ni Ryan Oliver Balboa
Sa ngayon, ang ating kapaligiran ay nalalagay sa isang napaka-kritikal na kalagayan. Hahayaan na lamang ba nating mangyari ang mga bagay na ito na lubhang nakapangingilabot? Naririyang tayo ay bahain dahil sa walang awang pagputol ng malalaking punong kahoy na siyang sumisipsip ng tubig na dulot ng malakas na ulan. Isa pa rito’y ang maling paraan ng pagtatapon ng basura. Hindi mo ba nalalaman na ang mga basurang ito ang pumipigil sa pagdaloy ng tubig-baha sa mga kanal, estero, at ilog? Kung kaya’t kapag hindi ito nakadaloy ng maayos ay magiging sanhi ito ng baha na nagdudulot ng mga sakit na maaring kumitil ng buhay?
May panahon pa upang malutas ang ganitong suliranin kung ang lahat ay magigising na sa katotohanan na mayroon tayong pananagutan sa kalikasan. Ang pagkakaroon ng sariling disiplina ay isang malaking tulong. Magsimula tayo sa ating mga sariling tahanan, sa ating paaralan, sa bayan, at sa ating bansa. Magtanim tayo ng mga punong-kahoy. Ang isang punong itinanim ay maaaring katumbas ng isang buhay na sinagip mo. Magiging maganda ang kinabukasan kung may maayos at malinis na kapaligiran. Kaya’t kaibigan… makipagtulungan sa pagtataguyod muli ng ating Inang Kalikasan.
|
|
 |
Copyright © 2000 - 2001 All Rights Reserved
MSCnet
|
|