Kartilya ng Katipunan
ni Emilio Jacinto
- Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at
banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi
damong makamandag.
- Ang gawang magaling na nagbuhat sa paghahambog o pagpipita
sa sarili, at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan,
ay di kabaitan.
- Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig
sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap
sa talagang Katuwiran.
- Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y
magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigtan sa dunong,
sa yaman, sa ganda...; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
- Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita
sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita
sa sarili kaysa sa puri.
- Sa taong may hiya, salita'y panunumba.
- Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y
mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan ay di na
muli pang magdadaan.
- Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.
- Ang mga taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat
sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
- Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot
ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama,
ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
- Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan
lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan
nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang
kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuharan
at nag-iwi sa iyong kasanggulan.
- Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay
huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
|